UP Students Abducted
please click the link below.
UP Students Abducted
Entry @ 2:16 AM;
Wednesday, July 05, 2006
Back
Para Sa Lahat ng Political Prisoners
Mangayari lamang basahin ang nasa ibaba. Paki-post na rin sa mga blogs nyo, friendster bulletins o di kaya'y ipasa sa mga kakilala. Maraming salamat.--athameMagandang araw po.
Ako ay sumusulat para sa kapatirang Beta Lambda Kappa o BLK.
Ang BLK po ay isang university-based sorority sa UP Diliman na may feminist na pananaw at adhikain. Kami ay isang grupo ng kababaihan na nagnanais isulong ang karapatang pantao, partikular ang karapatan ng mga babae, simula sa pagbukas ng isipan namin at ng ibang tao.
Sa labas ng kapatiran, may kanya kanya kaming mga paraan at mga desisyon kung papaano namin ipagpapatuloy ang adhikain na ito. May ilan sa amin na pinili ang maging volunteer sa mga community-based na organisasyon.
Isa sa kanila ay ang kapatid naming si Sherlyn Cadapan na kasama sa tatlong dinukot ng militar mula sa isang bahay sa Hagonoy, Bulacan, nito lang ika 26 ng Hunyo, dakong alas dos ng umaga. Ang isa sa dinukot ay estudyante din sa UP Diliman at ang isa naman ay magsasaka.
Kahit maraming testigo, matigas na itinatanggi ng militar na sila ang kumuha kay Sherlyn at sa dalawa pa niyang kasama.
Puwede po ninyo kaming tulungan na mapalaya si Sherlyn at ang mga kasama niya sa pagkalat ng e-mail na ito sa inyong mga kaibigan, lalo na kung sila ay taga-media, o may kakilalang puwedeng tumulong sa amin. Ang amin pong e-group ay up_betalambdakappa@yahoogroups.com
Sa mga e-group, sorry for cross posting pero umaasa kami sa inyong pag-intindi. Nagbabakasakali kami na kung mas maraming magtatanong kung nasaan na sila Sherlyn, lalabas din ang katotohanan at hindi na ito mangyayari kahit kanino.
Maraming salamat at mabuhay po kayo.
June Lozano
BLK Batch 95A
BLK Statement:
Minsan, nababasag ang katahimikan ng ating buhay. Napipilitan tayong
mag-isip. Napipilitan tayong mag-salita. Napipilitan tayong umaksyon.
Isang linggo nang nawawala ang aking kapatid na si Sherlyn. Sherlyn
Cadapan. Volunteer siya ng isang organisasyon ng magsasaka at
nakikipamuhay siya noon sa Bulacan. Dinakip sya ng anim na armadong
kalalakihan na nakabonnet. Alas dos ng madaling araw. Walang nagsabi
kung bakit sya hinuli. Walang magsabi kung saan sya dinala.
Tatlong buwang buntis si Sherlyn. Ilang buwan pa lang siyang kasal.
Ilang beses lang kaming nakapag-text, at sabi niya'y uuwi siya sa
Setyembre. Setyembre, dalawang buwan mula ngayon.
Ilang taon na ba siyang wala sa amin? Di na niya natapos ang kanyang
undergrad. Lagi nyang sinasabi na may mas kagyat na pangangailangan.
Bayang magiliw, perlas ng silanganan. Umalab na ang kanyang puso at
humayo na sa dibdib ng Inang Bayan. Hinanap nya ang mga mahihirap at
sinikap tulungan. Ilang taon na siyang wala sa amin. At ngayon siya
ay nawawala.
Mapapaisip ka talaga.
Napakaraming bayani ng ating bansa ngayon. Meron yung OFWs, sila raw
ang mga bagong bayani. Palibhasa'y maraming datung. Meron yung mga
pulitikong nagpapahiram ng mga pangalan para ibinyag sa mga kalsada at
tulay. Meron yung mga kinukuhang kumanta sa Broadway. Meron yung mga
nananalo sa contest na anak ng dating Pilipino na itinatwa na ang
kanilang pagka-Pilipino ay bayani pa rin. Meron mga magaling
mag-boksing, bayani ng ilang taon, ilang dekada, tapos kakalimutan na.
Pilipinong pang-World Class, mga bayani ng bayan. Magaling.
Paano na iyong mga nanatili dito sa Pilipinas? Paano na iyong mga
taus-pusong naglilingkod sa masang Pilipino at tinutulungan silang
ipaglaban ang kanilang mga karapatan? Paano na iyong mga tumutulong
sa ating mga magsasaka at manggagawa na mag-organisa upang magkaroon
ng nagkakaisang lakas na hindi basta-basta mapapawalang-bahala? Hindi
sila bayani. Hindi sila nati-TV. Hindi sila sikat. May ibang tawag
sa kanila.
Subersibo. Terorista. Naghahasik ng lagim. May programa rin para sa
kanila: Oplan Bantay-Laya. Dito sumasailalim ang linggo-linggong
pagpaslang at paghuli sa mga aktibista, mamamahayag, propesor ng
pamantasan, at ordinaryong mamamayan.
Sa ngayon, kasama si Sherlyn sa 174 na mga sapilitang nawawala sa
ilalim ng Oplan Bantay-Laya. Si Sherlyn, na sinuntok sa sikmura
habang sumisigaw ng Tulong! sa mga kapitbahay, si Karen EmpeƱo,
graduating sa BA Sociology, na hinubaran ng blusa upang gawing piring
sa kanyang mga mata, at si Manuel Merino, isang magsasaka ng San
Miguel, Hagonoy, Bulacan.
Di ko alam kung bakit sila sinaktan, dinampot, at kung saan sila
itinago. Kung tulad sila ng mga bagong bayani, inilabas na sila sa
media at phinoto-ops na. Kung tulad sila ng mga tanyag na terorista
na may reward-reward pa, mabilis pa sa alas-singko ang pagtawag nila
sa international press syndicates. Pero hindi superstar si Sherlyn.
Hindi terorista si Karen. Hindi mountaineer si Manuel. Sino pa
ang magsusumigaw upang palayain sila?
Kung hindi tayo, sino? Kung hindi ngayon, kailan?
Madilim ang gabi. Ngunit sisikat din ang araw.
Para sa atin ang labang ito.
Entry @ 2:09 AM;
Back